Wednesday, November 3, 2010

Gulong...

Sabi nila ang buhay ay tulad sa isang gulong…kung minsan nasa itaas…minsan sa ibaba. Pero kung ito ay tulad sa isang gulong…bakit ang bagal ng ikot? Di ba mabilis ang ikot ng isang gulong? O sadyang ganito talaga…

Ang bawat tao ay may kani-kanyang gulong na itinalaga para sa kanya ng Maykapal. Tulad na lamang ng mga sasakyang nakikita kong rumaragasa sa lansangan… Iba't-ibang klase… May bago… may luma.May maganda...may pangit. Di ba ganito rin ang buhay? Masaya…malungkot…kaginhawaan…kahirapan… Pero, bakit sa sitwasyon ko parang ayaw umusad ng buhay…Ahh…ang bagal…Katulad kaya sa isang gulong "flat tire" na ang gulong ng buhay ko? Sana, hindi…Sana mapansin Niya ako para makausad ako…

Pero, bakit ako andito? Naiwanan ng isang malaking responsibilidad…Sa mura kong edad kaya ko kaya ito? Sabi nila ang kabataang tulad ko ang pag-asa ng bayan. Uso pa ba iyon? Totoo pa ba ito? Sa sitwasyon ko ngayon…isang ulila…magiging pag-asa pa ba ako ng bayan? Kung sa sarili ko at sa sitwasyon ko ngayon wala akong makita at madamang pag-asa…Buhay ako…humihinga…pero hikahos sa buhay…Salat sa lahat ng bagay. Walang tahanan na pwede kong sabihing sarili…walang maayos na damit na kukubli sa aking katawan sa init ng araw at lamig ng gabi. Wala… kahit tsinelas man lang upang maprotektahan ang mga paa sa init ng lupa at putik sa bawat daraanan ko…Walang pagkain na bubusog sa tiyan upang magkaroon ng lakas sa pakikibaka sa hirap ng buhay. Ikaw… nakikita mo ba sa akin ang pag-asa ng ating inang bayan? Nasasalamin mo ba sa katauhan ko ang isang magandang bukas? Ako… na isang ulila…isang batang lansangan…isang busabos….

Ahhh…. Natatandaan ko pa ang kwento ng nanay ko noong buhay pa siya. May isang batang kalye na halos walang pumapansin sa kanya ang gumanda ang buhay. Naging tanyag at tumutulong sa mga taong naghihikahos. Magiging kagaya kaya niya ako? Siguro may magara na siyang sasakyan. Dadalhin kaya siya dito ng kanyang mga gulong? Pag napadaan siya, makikita kaya niya ako? Sana mabagal lang ang takbo niya, para mapansin niya kami ng kapatid ko. Alam mo, kung ako lang kaya ko na harapin ang lahat ng hirap…Pero, paano kapatid ko? Napakabata pa niya para maranasan ang walang katapusang hirap na ito. Paano ko siya itataguyod? Kahit ako hindi ko alam ang mangayayari sa akin sa bawat araw na daraan…

Pero sabi nila may pag-asa…Buhay pa ako…humihinga…pati kapatid ko….E di may pag-asa pa pala ako….At sabi nila di raw natutulog ang Diyos…ang lahat nakikita Niya…ang lahat naririnig Niya….Kahit na iyong pinakamahinang bulong…Siguro naririnig Niya ako sa bawat dasal ko sa Kanya…Siguro nakikita Niya ang kalagayan namin ng kapatid ko…Siguro alam Niya hindi ko kaya itong mag-isa…Di ko kayang buhayin ang kapatid ko… Kailangan ko ng gabay…ng tulong para maibsan ang hirap na ito….Alam ko sa mga darating na araw babaguhin Niya ang takbo ng buhay ko. At bibigyan Niya ako ng isang bagong gulong upang maging maganda ang takbo ng buhay ko…Sana….

Alam ko…inihahanda lang Niya ako sa isa pang yugto ng buhay ko tungo sa kaginhawaan….Ang lahat ng ito ay pagsubok lamang upang mas lalo akong maging matatag sa pagharap sa buhay ko sa kinabukasan…Upang mapanuto ako sa tamang paglalayag ng gulong ng buhay ko…Sana…

No comments:

Post a Comment